Bakit ka single?
Kasi hindi ako babae.
Tawagin niyo na lang ako sa pangalan Kelli. ABM Grade 12 student. Honor student since elementary. Scholar sa isang private catholic school.
Andaming nagtatanong sa’kin kung ‘bakit wala akong jowa?’. Ang lagi kong sagot?
Kasi hindi ko need. Marami akong priorities.
Pero ang totoo? Hindi lang talaga ako gustuhin. Buti nalang bumawi sa talino. Ang tanging asset ko para maging existent sa paningin ng iba. Ang tanging asset kung bakit ako may halaga.
Since elementary, subsob na ‘ko sa studies. Mula bata kasi, tinatak na sa isip ko na ako ang mag-aahon sa pamilya namin sa kahirapan. I didn’t even enjoy my childhood. Puro ako aral. I had to sacrificed my social life just to get high grades. Just to be an honor student.
Wala akong time gumala. School-bahay ang peg ko. No chance of mingling with other people.
Wala rin akong idea tungkol sa love. O sa kahit anong romantic relationship. Ang boring ko ‘di ba? Walang thrill ang buhay ko.
Pero hindi naman ako bato. May feelings pa rin naman ako. Nagkakagusto rin naman sa isang tao. Sa lalaki ‘nga lang.
Yes. I am gay. I’m proud of it. Pero hindi ako ladlad. I’m afraid to be rejected by my family. Hindi ko afford ang independent living sakaling palayasin ako ng pamilya ko after knowing about my sexual preference.
Kaya lahat ng crushes ko, lihim lahat ng iyon. Walang nakakaalam bukod sa’kin. I never shared it anyone. Marami na akong naging crush sa school namin. Pero wala akong naging chance para umamin sa kanila. You know, afraid of rejections.
May naging crush ako. Itago na lang natin siya sa pangalang Tisoy. Syempre, maputi. Gwapo. Matangkad. Pinkish and pouty lips. Saktong pangangatawan. Neat looking.
Nagsimula ang pagkacrush ko sa kanya noong grade 8 kami. Star section kami parehas since grade 7. Hindi ko masasabing matalino siya pero marami siyang talent. Lalo na sa arts. Magaling siya sa crafts and designs. Artist ang peg ng lolo niyo. Mas lalo akong naguwapuhan sa kanya.
Hindi ko siya masyadong kinakausap. Wala lang. Hindi ko trip. Hindi naman kami close. Siguro for school purposes lang lahat ng interaction namin. I acted like I don’t have feelings towards him. Pero ang totoo, crush na crush ko siya. Maybe sa physical appearance. Wala akong pinagsabihan no’n. Ang tindi ko magtago noh? For 3 years ‘yon mga dzai. From grde 8 to grade 10. Walang nakaalam or nakahalata na may gusto ako sa kanya.
That 3 years, may kasabayan akong may crush sa kanya. Gay din. Pero mas open ‘nga lang. Alam lahat ng kaklase ko na crush din niya ang crush ko. They support him. Pati ako actually. Kahit masakit. Kahit mabigat sa dibdib. Shiniship ko ang crush ko sa iba. Gaya ko, matindi rin ang pagkagusto niya sa lalaking gusto ko rin. Pero, wala namang hard feelings.
Pero, at the end of day, lalaki pa rin si Tisoy. Sa babae lang magkakagusto. Alam ko naman iyon. Never ko namang tinanggal sa isip ko ang fact na sa babae lang siya titigasan.
Nagkaroon siya ng ka-MU sa mga kaklase namin. Babae syempre. Morena. Matalino. Actually, friend ko yung tinutukoy ko. Saet diba. Pero hindi naman ako umiyak. Never kong iiyakan ang isang lalaki. So mabalik tayo. Bagay silang dalawa. Edi sila na. Lol.
Hindi lang naman ako ang nasaktan. Pati na rin yung gay na may gusto kay Tisoy. 3 years din kasi niyang crush. Oh diba? Saet.
Umabot kami ng grade 10 na crush ko pa rin. Nung Moving Up Ceremony namin, katabi ko pa siya. Hindi naman ako kinilig. Nailang lang. Ang pabebe noh? Ganda eh. Eme lang.
Pagtuntong ko ng grade 11, may naging crush ulit ako. Lalaki syempre. Una ko siyang nakita nung enrollment namin. Naka-yellow shirt pa siya no’n tandang-tanda ko. Parang nag-slowmo yung paligid ko nung nakita ko siya. Ang lakas maka-Wattpad noh?
Hanggang sa photolab nakasabay ko pa siya. Sa fitting room ng uniforms mga besh nakasabay ko rin! Naghubad pa siya no’n pero ako syempre deadma lang. Tatlo lang kami sa room na ‘yon, pero omygash. Ang bango niya. Ang gwapo pa. Hindi ko pa knows no’n ang name niya until malaman ko ang name niya sa gc namin ng mga kaklase kong ABM din. Matagal na pala siyang pinag-uusapan. Hindi ako aware mga dzai.
Siyempre excited ako sa first day. Makikita ko siya. Nalaman ko na isa pala siyang HUMSS student and wait, there’s more. Katabi ng classroom namin ang classroom nila. Kami lang kasi ang naligaw na ABM section sa 3rd floor. Blessing in disguise ‘di ba.
Kada makikita ko siya, kinikilig ako. Ang corny man pakinggan, pero binubuo niya ang araw ko. Kada mapapadaan siya sa classroom namin papuntang comfort room, nakukuha niya lagi atensyon ko.
Na-describe ko na ba siya? Well, gwapo syempre. Maganda yung ngiti niya. Black shirt ang suot niya under his polo. Matangkad ng konti sa’kin. Bad boy ang galawan niya. Yung tipong kapag naglakad, para siyang boss. Pero alam ko matalino siya. Ayon sa aking pananaliksik, char. Ayon sa mga naririnig ko, magaling daw siya pagdating sa debates. Future lawyer ang kuya niyo. Kapag nagsasalita, tunog conyo.
Kung dati, ako lang ang nakakaalam ng mga crushes ko. Ngayon, halos lahat na ng kaklase ko alam na. Well, nagladlad ako ng slight sa senior high eh. Kumerengkeng ng very very light.
So, mabalik tayo kay crush. Luis ‘nga pala ang name niya. There are times na magkakatitigan na lang kami pero ako ang unang bumabawi ng tingin. Nahihiya kasi ako. Kahit makapal ang mukha ko kapag mga performance tasks, mahiyain pa rin ako pagdating sa lalaki. Hindi kasi ako lumaki na may kaibigang lalaki. Kaya hindi ko rin alam paano sila pakitunguhan.
One time, may research kami sa Filipino regarding sa cultural language. Isang section na lang ang natira sa mga choices namin. Iyon ang section nila. Bilang group leader, hinayaan ko yung mga kagroup ko na pumili ng mga kakilala nila para maging participants namin. Unknowingly, kilala pala nung isa kong kagroup si Luis. So, kinuha niya ito. Shocked at kilig ang naramdaman ko nun syempre.
Dumating ang araw na mag-iinterview na kami. Nalipat sila ng room sa another building kaya naman kinailangan pa naming bumaba. Nung nandon na kami, isa-isa naming pinatawag ang mga kinuha nilang participants. Sa mga unang interview, ako ang nagfacilitate. Pero nung sa kanya niya, sabi ko sa isang kagroup namin na siya na lang. Kaso mga besh, dahil alam nilang crush ko siya, pinilit nila akong mag-interview. Hindi ako pumayag pero ang sabi, ako lang daw yung magrerecord ng mga sagot niya sa mga tanong namin.
So, yun na ‘nga. Nag-start na kami then katabi ko lang siya. Sa buong time na nakasalang siya sa interview, nanginginig ako sa kaba, nerbyos, kilig. Basta mixed emotions. May times na tumitingin siya sa’kin. Like kuya, hindi ako ang nag-iinterview sa’yo okay? Pero sa loob-loob ko, abot-langit na ang ngiti ko. Once in a blue moon ko lang siyang malalapitan. Grab the chance ika nga. Kaso syempre, I maintained my professional posture. Tsaka baka mailang siya kapag dumamoves ako bigla. Nakuntento na lang ako sa pasimpleng pag-amoy sa kanya. Ang bango eh.
Iyon na ang una’t-huli kaming nagkalapit ng katawan. After no’n wala na. Kahit nung grade 12 na kami, hindi na kami nabigyan pa ng chance para magkausap man lang or ano. Wala rin naman akong lakas ng loob na umamin sa kanya about my feelings. Sabi ko kasi no’n, mawawala rin ‘to.
Tumuntong ako ng college na crush ko pa rin siya. Wala pa akong nagiging crush na lumevel sa pagkacrush ko sa kanya.
Sa block namin, karamihan sa mga kaklase ko ay babae. Mga sampu lang ata kaming lalaki. Ugh. Oo, sinama ko na rin sarili ko. Meron akong kaklaseng lalaki na minsan lang pumasok. Varsity player kasi ng basketball. Well, gwapo siya. Matangkad. Matalino naman. Hind lang kami gano’n nag-uusap kasi ‘nga madalang lang siyang pumasok. Kung papasok man, malayo rin ang upuan niya sa’kin.
One time, may biglang nag-message sa’kin sa Messenger. Siya ‘yon. Nagtaka ako kasi bakit ako ichachat ng lalaking ‘yon. Pero inentertain ko pa rin siya. By the way, ang name nya is Rex.
Rex
Yow, sup. May notes ka ba kaninang class natin? Penge naman oh.
Sa isip ko, ang kapal naman netong manghingi ng notes eh hindi naman kami close. Hindi ko sana papansinin pero naseen ko na pala. Nireplayan ko na rin siya.
Me
Ahm yes? Eto wait lang. You sent 24 photos.
Rex
Yun oh. Thanks bro.
Hindi ko na siya nireplayan after that. The nerve of that guy. Talagang bro ang tawag sa’kin?
Maniwala man kayo sa hind, after that little conversation, lagi na siyang nagchachat sa’kin for notes. Dahil sa mabait akong nilalang, sige lang ako sa pagsend sa kanya ng notes. Kawawa naman siya kung bumagsak. Sa school, kung maka-asta parang hindi niya ako kilala. Parang hindi niya ako hinihingan ng notes.
Pero kapag sa chat, kala mo kung sino makahingi ng lectures. Until one time, I stopped sending him notes. Tinatadtad pa niya ako ng messages at nakailang missed calls na siya sa’kin pero keber lang.
One time, pagpasok ko sa room, may nadatnan akong yakult sa armchair ko. Tumingin ako sa buong room at huminto ako sa lalaking nakatingin din sa’kin. Sino pa ba? Edi si Rex. Hindi ko siya pinansin at kinuha na lang ang yakult. May note din palang nakalagay.
“May nagawa ba akong mali? You’re not replying to my messages. I’m sorry kung ano man iyon. I hope we can be friends.”
- Rex sarap 😉
Tinapon ko lang ang note niya. Palibhasa, nakikinabang siya sa’kin. Bakit ‘di nalang kaya sa iba siya humingi ng notes. Kairita.
Buong time na nakikinig ako ng lectures, may pares ng mata ang nakatingin sa’kin. Paglingon ko sa kabilang banda, si Rex. Nakatingin lang sa’kin. Inirapan ko na lang at hindi ko na pinansin after that.
Ilang araw ganon ang senaryo naming dalawa sa room. Lagi niya ako binibigyan ng pagkain. Panuhol ata. Pati sa chat tadtad pa rin niya ako ng messages. Hindi ko na lang binubuksan. Ang kulit eh. So binlock ko na lang.
One time, napaaga akong dumating sa room. Hindi ko inaasahan ang taong madadatnan ko roon. Si Rex. Nakaupo malapit sa upuan ko. Nakatingin siya sa’kin habang papasok ako ng room.
“Bro. bakit ‘di mo ko nirereplayan? Pansinin mo naman ako oh.” Pambubungad niya sa’kin.
“Ano bang kailangan mo? Kung notes lang naman, sa iba ka humingi. Atsaka stop calling me bro. We’re not even close.” Pambabara ko sa kanya. Nagpout pa siya habang nagpapacute. Ugh. Oo na gwapo ka na.
“Edi dapat friends na tayo. Para matawag na kitang bro. Tsaka hindi naman ako nanghihingi ng notes. Hindi mo na kasi pinansin mga messages ko kaya feeling ko galit ka sa’kn. May nagawa ba akong mali? Look, I’m sorry. Kung ano man iyon. I hope we can be friends.” Sinamahan pa niya ng pag beautiful eyes. Ang pabebe. Laki-laki ng katawan kung umasta parang pusa.
“Hindi ako galit. Okay na? Kaya bumalik ka na sa upuan mo.” Pagtataboy ko sa kanya. Hindi pa rin siya natinag bagkus mas lalo pa siyang lumapit sa’kin.
“Sure kang hindi ka galit? Hindi ako aalis dito hanggang hindi mo tinatanggap ang friendship na inooffer ko.” Ang tibay din ng lalaking ‘to.
“What made you think na tatanggapin ko ang friendship na inaalok mo? Anong benefits ang makukuha ko kung kakaibiganin man kita?”
“Well, una gwapo ako. Pangalawa, masarap. Pangatlo, may kaya. Pang-apat matalino. Panglima, gwapo ulit. In conclusion, perfect. Oh, san ka pa diba?” mayabang niyang saad. Napaka ng lalaking ito.
“You think na may paki ako sa qualifications na sinabi mo? I don’t make friends ng dahil sa looks or status. Hindi ako basta-basta nagpapapasok ng kung sino lang sa buhay ko.” Pagtataray ko sa kanya.
“Ouch naman. Ouch blockmate. Sige na oh. Mabait naman ako. Sige ka, ‘pag ‘di ka pumayag, pagkakalat ko na may crush ka sa’kin.” Tsaka niya ako kinindatan.
“How dare you? Sinong may sabing crush kita? Okay, fine! Friends na kung friends. Kulit mo eh noh?” pagsuko ko sa kakulitan niya. Hindi naman ako mananalo sa kanya.
“Yes! Papayag din naman pala, dami mo pang arte eh. Dahil diyan, sabay tayong maglalunch later. Treat ko…bro.” taas-baba pang kilay niyang sagot sa’kin. Nakakainis man siya pero napangiti niya ako sa kaabnormalan niya.
Since that day, lagi na kaming magkasama. Kulang na lang magpalit na kami ng mukha. Our blockmates thought that we are boyfriends. And I always deny it. Ayokong mabuo ang anumang delikadong emotion. Na sa huli, ako lang naman ang talo.
Pero sino bang kayang magpigil ng nararamdaman? Kaya rin bang pahintuin ni Quiboloy ang feelings ko na unti-unting umusbong para sa “kaibigan” ko? Sinubukan ko namang balewalain. Pero wala eh, marupok ako. Madaling bumigay. Wala namang sumalo.
Sa kabila ng nararamdaman ko para sa kanya, I remained composed when I’m with him. Hindi ko pinapahalatang may gusto na ako sa kanya. Sa tuwing magdidikit ang mga balat namin, milyong boltahe ng kuryente ang dumadaloy sa sistema ko. Tuwing ngumingiti siya, feeling ko ang gaan lang ng buhay. Ang saya mabuhay basta kasama siya.
Bakit ako hindi nag-confess? Simple lang. I don’t want to face rejection. Wala namang gamot para sa sugat sa puso. Walang doktor ang kayang magpagaling ng heartbreak kung sakali mang i-risk ko ang chance na umamin sa kanya.
Minsan na rin niyang sinabi sa’kin na, “Kung babae ka lang, matagal na kitang niligawan.” I don’t know how to react with that. Tinawanan ko na lang siya para itago ang totoong reaksyon ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ano ang gusto niyang iparating sa sinabi niya. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako dahil may chance pa lang magustuhan niya ako kung babae lang ako o masasaktan kasi hindi ako babae in the first place. Na wala talagang chance para magustuhan niya ako. Kasi wala ako nung mga bagay na hinahanap niya. Mga kailangan niya.
Ang hirap magmahal ng straight. Para kang nagpapalambot ng bato sa kumukulong tubig. Ang hirap ng one-sided love.
As time goes by, mas lalo lang ako nahuhulog sa kanya. His sweet gestures seem nothing for him. But for me? It brought hope. Pag-asa. Pag-asa na baka maging kami. Pag-asa na baka magustuhan din niya ako the way I love him. Baka pwede. I’m very much willing to take the risks.
Until one time, nagkaroon na ako ng enough courage para mag-confess sa kanya. Last day na ‘yun ng klase for the first year. Desidido na akong ipagtapat sa kanya ang nararamdaman ko. Wala siya today kasi may importante daw siyang gagawin. Magkikita raw kami mamayang dismissal. May surprise daw siya sa’kin.
Hindi ko alam pero kinilig ako nung sinabi niya ‘yon. Hindi ako mapakali buong araw kakahintay ng oras. Gusto ko na ngang hilain yung oras eh. Para magkita na kami.
Saktong 5 pm, nasa labas na ako ng gate gaya ng pinag-usapan namin. Hindi ako mapakali sa pwesto ko. Super excited akong makita siya. May surprise daw siya eh.
Oo ‘nga. Nasurprise ‘nga ako. Sobrang surprised. Sa lahat ng surprise, ito yung pinakamasakit. Alam niyo kung bakit? Kasama lang naman niya dumating ang girlfriend niya.
“Yow sup bro. Kanina ka pa ba diyan? Sorry ah, sinundo ko pa kasi si hon. By the way, ito ‘nga pala si Ashley. Girlfriend ko. Hon, ito ‘nga pala si Kelli, kaibigan ko. Bro, siya yung sinasabi kong surprise. Ganda niya ‘di ba?”
Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa. Ang sakit. Sobrang sakit. ‘Yun na eh. Andun na sana eh. Sablay pa rin pala. Pilit naman akong ngumiti at nagkunwaring hindi ako affected.
“Oh, hi Kelli. So, ikaw pala yung kinukwento sa’kin ni hon na bestfriend niya. I’m Ashley again. Nice to meet you. Ang cute mo naman. Hihihi.” Pakilala niya sa’kin.
Maganda. Makinis. Sexy. Mukhang matalino. Mukha rin mabait. At higit sa lahat, babae. Mga qualifications na hindi ako pasado. Wala ako sa kalingkingan niya. Egul na egul.
“H-hi, Ashley. N-nice to meet you din. Ang ganda mo naman. Galing naman pumili ni pards. Hoy panget, alagaan mo ‘to ah. Huwag na huwag mong sasaktan. Bihira ka lang makakita ng gaya niya. Bagay kayo in fairness.” Sige. Ngiti pa more. Huwag kang iiyak. Mamaya na lang.
Ang sakit-sakit bigkasin ng mga salitang ‘yon. Para ko na ring sinaksak ang sarili ko. Ouch.
“Grabe ka naman sa’kin. Oo naman noh. Aalagaan ko talaga ‘to. Kung pwede lang pakasalan ko na bukas, ginawa ko na eh. Matagal ko kaya ‘to niligawan. Alam kong worth it na worth it siya. ‘Diba hon?” Tsaka sila naglampungan sa harap ko.
Double ouch. Sige. Pamukha mo pa sa’kin.
“Ano ka ba, hon. Ang harot mo. Mamaya na lang, okay? Nakakahiya naman sa bestfriend mo. By the way Kelli, gusto lang sana kitang iinvite sa lakad namin ni Rex. I just want to know more about you.” Pag-iimbita niya sa’kin.
“Oo nga, bro. Sama ka na. Tayong tatlo para masaya.” Tangina ka Rex. Gago.
“As much as I want to, hindi ako pwede eh. Marami pa kasing gagawin sa bahay. Tsaka I’m not in the mood gumala or what. Kayo na lang. Moment niyo naman ito. Ayokong maging third weel noh? Lol.” Pagpapalusot ko.
Eme eme ko lang yun. Pero ang totoo, sinasalba ko lang ang sarili ko sa ka-martyran. Hindi ako candidate sa pagiging santo.
“Ganun ba? Sige, next time na lang siguro. Paano, aalis na kami ah. Baka kasi ma-late pa kami sa pupuntahan namin eh. Ano hon, tara na?” sagot ni Ashley.
“Sige hon, una ka na sa kotse. Paalam lang ako kay Kelli.” Sumang-ayon naman si Ashley at nauna na nga sa kotse. Hinarap naman ako ni Rex.
Why do I have this feeling na huli na itong pag-uusap namin?
“Bro, sure ka talagang hindi sasama? Sayang naman. ‘Di bale, may next time pa naman. Ayaw mo bang hatid ka na namin sainyo?” pang-aalok ni Rex. Nginitian ko naman siya bilang tugon.
“Ano ka ba. Okay lang ako. Mauna na kayo. Kaya ko naman umuwi mag-isa noh! Sige na alis na kayo. Ingat ah.”
“Ouch. Pinapaalis agad ako. Oh, sige na ‘nga. Pero bago kami umalis, yakapin muna kita bro.” Tsaka niya ako hinila palapit sa kanya. Bro hug lang ito para sa kanya pero sa akin iba na. Parang yakap ng pamamaalam. Ang sakit. Pero sinikap ko talagang hind umiyak. Ako na ang nagkalas ng yakapan namin. Baka hindi ako makapagpigil at
“Oh, siya. Alis na. Ingat.” Agad naman siyang umalis na may kasama pang kaway. Kumakaway pa rin siya hanggang sa naglaho na siya sa paningin ko. Naka-alis na silang dalawa.
Nagsimula na rin akong maglakad. Ang emote ko grabe. Wala eh. Masakit. Masakit ma “bro-zone”.
Ang sakit. ‘Yun na sana eh. Sumablay pa. Ano bang laban ko sa babae? Wala. Habang naglalakad ako, lumandas na ang kanina ko pa pinipigilan na mga luha. Buti na lang konti lang ang tao sa daan na tinahak ko. Mukha akong tangang lumuluha habang walang buhay na naglalakad pauwi.
For the nth time, olats na naman ako. Hindi ko man lang nasabing mahal ko siya. Para saan pa? May mahal na siyang iba. What’s the point of confessing, if in the first place I have nothing against his ideal lover?
Lagi na lang akong nafofall sa straight. Lagi na lang din ako nasasaktan. Pwede bang alisin ko na lang ang parte sa utak ko na may kinalaman sa feelings? Para hindi na ako nasasaktan ng ganito.
From that day, madalang na lang kami magchat ni Renzo. Nag-iba na rin siya ng school na pinasukan. Siguro, maganda na rin ‘yun. At least, hindi na ako mahihirapang pakisamahan siya ng hindi nasasaktan. Ng hindi nagkukunwaring kaibigan lang ang tingin ko sa kanya. Ng hindi ko binibigyan ng kahulugan ang mga sweet gestures niya.
Kaya sa mga nagtatanong kung bakit ako single. Ito po ang dahilan. Naiinlove ako sa lalaking babae lang ang magugustuhan. Straight as pole.
Bakit ako single? Kasi hindi ako babae. And I will never be one.
But I'm still hoping to find someone who can love me for who I am. And I will patiently wait for the right person.
No comments:
Post a Comment